Where ideas grow
Isang adaptation ni Marily Sasota Gayeta
Bugtong. Ang buhay ay isang malaking bugtong.
Nasagot ko ang bugtong !
Nasagot ko nga ba ?
Sinabi sa Delphi ,
“ Mapapatay mo ang iyong ama ! ”
“ Mapapangasawa mo ang iyong ina! ”
Sa narinig , ako’y nagitla
Sapagkat ang hula sa Olympus nagmumula.
Ako’y tumalilis
Upang ang propesiya ay maiwasan .
“ Hindi ‘yan mangyayari !
Ako ang gagawa ng aking kapalaran!
At hindi ang mga diyos sa kalangitan.
Ako’y naglakbay , patungo sa kawalan
At sa mga nag- krus na daan
Nagkaroon ng sagupaan
Isang pulutong ang aking nagapi
Kasama na ang hambog nilang hari.
Isang halimaw ang sumunod na hinarap
Kalahating lion , kalahating ibon
Isang halimaw na nagtatanong
Winawakasan ang buhay ng taong di makatugon .
“ Aling nilalang ang sa umaga’y apat ang paa ,
Sa hapon naman ay dalawa
At sa gabi ay tatlo ? ”
Ako , si Oedipus , ay nagwika
“ Ano pa nga ba , kundi ‘tao! ‘ ”
Isang tugon , isang maikling tugon na nagpalaya
Sa Thebes mula sa madugong tanikala .
Bugtong ng halimaw ay aking nasagot
Ngunit bugtong ng buhay ko’y mas masalimuot.
Balong reyna ang Thebes , aking pinakasalan
At pinamunuan ang kanyang kaharian .
Nagmahalan ng tapat , nagkasupling ng apat.
Kaligayahan ay walang pagsulingan.
Malagim na propesiya , akin nang kinalimutan.
Ngunit , ano ito ?
Panibagong salot !
Nangamamatay : taniman , hayop
at sanggol sa sinapupunan .
Kaharian ko’y muling natakot
Salot ay hindi raw mapapawi
Hanggat walang katarungan
Sa pagkamatay ng unang hari.
Kanyang labi’y natagpuan
Sa krus na daan.
Ang bulag na si Tereisias
Ako’y pinararatangan !
Ikaw , Haring Oedipus , ang sanhi ng kamalasan !
Bulag na lapastangan !
Iyan ba’y iyong mapatutunayan?
Hinalughog ang nakaraan .
Binalikan ang kasaysayan .
Umalingawngaw ang mga tanong
Ang kalansay na nakabaon , ngayo’y muling nagbangon.
Unti-unti, lumantad ang malagim na katotohanan
Ako’y ampon lamang ng mga magulang na aking tinakasan !
Ngunit ang aking dugo at laman , Thebes ang pinag-ugatan.
Si Haring Laius ang aking ama ! At ako ang pumatay sa kanya !
Si Reyna Jocasta ang aking ina ! At napangasawa ko siya !
At nagka-anak kami ng apat . Mga kaawa-awang supling !
Anak ? o Kapatid ?
Kapatid ? o Anak ?
Ahh ! Tinakasan ko ang hula
Para lamang lalong mapalapit sa aking tadhana ?
Iniwan ang bayang kinalakihan
Tinalikuran ang ama’t inang kinagisnan
Para lamang mapatay ang ama
at pakasalan ang inang pinagmulan?
Bakit kumaiwas-iwas man ako ,
Hindi nabago ang itinakdang buhay ko ?
Sa Olympus ba ay may palabunutan
Kung sinong tao ang bibiyayaan
At kung sino ang pagkakaitan ?
Paano ba tinutukoy ng mga diyos
Kung sino ang magiging maligaya
At kung sino ang magdurusa?
Ako si Oedipus , masdan nyo !
Binulag ko ang sarili ko !
Sa mula’t mula nama’y bulag ako
Sa katotohanan ng buhay ko.
Ako’y matalino .
Bugtong ng halimaw ay nasagot ko.
Ngunit sa bugtong ng buhay ko
Nananatiling mangmang ako.
Ako si Haring Oedipus
‘Yan ang kasaysayan ng aking pakikidigma
Laban sa tao ,halimaw , at tadhana.
Tinalo ko ang tao.
Tinalo ko ang halimaw.
Tinalo ako ng tadhana.