Where ideas grow
Narinig niya sa aandap-andap na radyo Ang paparating na malakas na bagyo Sa mataas na lugar, lahat ay dapat ay umahon Walang dapat manatili sa peligrosong nayon . Ang unos na padating, wala raw sasantuhin Kaya’t paglikas, dapat nang madaliin. Kaya’t ang babae, nagsimulang maghakot Ng kanyang kayamanang kakarampot Ang maliit na radyo, ilang pirasong damit at kumot Baso, pinggan at kalderong pingot. Malakas na hangin nagdadala ng takot Ungol nito ay nakapanghihilakbot . Maya-maya 'y dumating ang asawang batugan At nang walang nakitang pagkain para hapunan Ang babaeng naghahakot ang siyang pinagbuntunan Mukha’y nakabusangot at yamot na yamot Magdudulot na naman sa kabiyak ng bangungot Ang babae, hinila sa buhok , sinampal , sinuntok . Sa labas, ang hangin, palakas nang palakas Animo’y halimaw na umaangil at humaharibas Ang langit, parang higanteng banga Na nagkalamat at nabiyak sa gitna Lumugwak, bumagsak ang tubig na ka-dagat , Binabali, tinatangay, nilulunod ang lahat . Sa loob ng dampa, tuloy ang kakaibang bagyo Hagupit ng bisig, bigwas ng kamao Ang panaghoy ng babae, nakapapangilabot Matinding pambubogbog na kanyang inaabot Bisig at kamaong matindi pa sa kalikasan Paano niya ito malalampasan . Nahablot ng babae ang kalderong laging walang laman At hinarap ang kabiyak at malupit na kalaban Na ngayo’y may kamaong muling nakataas Ngunit bago niya ito muling naiigkas , Hinambalos siya ng babae nang buong lakas Buhay ng lalaki, noon din ay nagwakas. Nangatog sa takot, tuyot niyang katawan Batas ng lipunan, siya’y uusigin at parurusahan . Nang biglang rumagasa, tubig na hindi inaakala At pinunit ang ang maliit na kulungang dampa Ang babae , nagkunyapit sa natitirang amba Habang ang lalaki’y tinangay ng maitim na baha . Nakapangingilabot ang panaghoy at hiyawan Ng mga taong natangay sa laot at sa kawalan Paghingi ng tulong , siyang ipinagsisigawan Upang buhay nila’y sakaling madugtungan. Patuloy ang hagupit , ang hampas ng kalikasan Ngunit para bang ang Diyos , nagbingi-bingihan . Kinabukasan , pag kalma ng kalikasan Si haring araw, muling nasilayan . Kahit saan mga mata’y tumingin Mapapausal ng “ Diyos na mahabagin !” Puno man o bahay , lahat nakadapa Sa matinding pagkakasalanta . Ang babae’y nagpunta malapit sa barangay Kung saan dinala ang mga bangkay Nilapitan siya ang ng kapitan at iniabot ang kamay Kanyang ramdam ang pakikiramay nitong tunay Ikinalulungkot ko, usal nito -- nasawi ang asawa mo Nang siya’y tinangay, maaring nahampas ang ulo. Tinanggal ng ginang ang takip na pahayagan Ang putikang bangkay, kanyang natunghayan Nakangangang sugat sa noo ay tinitigan Di maiwasang siya’y matakot at kilabutan. Malupit na kamao’y nakaikom pa rin Para bang handang siya’y muling buntalin . Tumulo ang luha ng babaeng kababalo Siya lang ang nakakaalam ng kahulugan nito Pilit na ikinubli ang paghinga nang malalim Siya at ang unos , may alam na lihim Krimen na di maiwasan , tila ba hinugasan Nang malupit at maunawaing inang kalikasan . Disyembre 2013