Unos




Narinig niya sa aandap-andap   na radyo
Ang paparating na  malakas na bagyo
Sa mataas na lugar, lahat ay dapat  ay umahon
Walang dapat manatili sa peligrosong  nayon .
Ang unos na padating, wala raw sasantuhin
Kaya’t paglikas, dapat nang madaliin.
 
Kaya’t ang  babae, nagsimulang maghakot
Ng kanyang kayamanang  kakarampot   
Ang maliit na radyo, ilang  pirasong damit  at kumot
Baso,  pinggan at kalderong  pingot.
Malakas  na hangin nagdadala   ng takot
Ungol nito ay nakapanghihilakbot .
 
Maya-maya 'y dumating  ang asawang batugan
At  nang walang nakitang pagkain para hapunan
Ang babaeng  naghahakot  ang siyang pinagbuntunan
Mukha’y nakabusangot at yamot na yamot
Magdudulot na naman sa kabiyak ng bangungot
Ang babae, hinila sa buhok , sinampal , sinuntok .
 
 
Sa labas, ang hangin, palakas nang palakas
Animo’y  halimaw  na  umaangil at humaharibas
Ang langit, parang higanteng banga
Na nagkalamat at  nabiyak sa gitna
Lumugwak, bumagsak   ang tubig  na  ka-dagat  ,
Binabali, tinatangay, nilulunod   ang lahat .
 
Sa loob ng dampa, tuloy ang kakaibang bagyo
Hagupit ng  bisig,  bigwas  ng kamao  
Ang panaghoy  ng  babae, nakapapangilabot
Matinding pambubogbog  na kanyang inaabot
Bisig at kamaong matindi pa sa kalikasan
Paano niya ito  malalampasan .
 
Nahablot ng babae  ang  kalderong laging walang laman  
At  hinarap  ang kabiyak  at malupit na kalaban  
Na ngayo’y may  kamaong muling   nakataas
Ngunit bago niya ito muling naiigkas ,
Hinambalos  siya ng babae  nang buong lakas
Buhay ng lalaki, noon din ay nagwakas.
 
 
 
Nangatog sa takot, tuyot niyang  katawan
Batas  ng lipunan, siya’y  uusigin  at parurusahan .
Nang biglang rumagasa,  tubig na hindi inaakala
At pinunit ang  ang maliit  na kulungang    dampa
Ang babae , nagkunyapit sa  natitirang  amba
Habang ang lalaki’y tinangay ng maitim na baha .
 
 
Nakapangingilabot  ang  panaghoy  at hiyawan
Ng mga taong natangay sa  laot  at sa kawalan
Paghingi ng tulong , siyang ipinagsisigawan
Upang buhay nila’y sakaling madugtungan.
Patuloy ang hagupit , ang hampas  ng kalikasan
Ngunit para bang  ang Diyos , nagbingi-bingihan .
 
Kinabukasan , pag kalma ng kalikasan
Si haring araw, muling nasilayan .
Kahit saan mga  mata’y tumingin
Mapapausal ng “ Diyos na mahabagin !”
Puno man o bahay , lahat nakadapa
Sa matinding pagkakasalanta .
 
 
 
Ang babae’y  nagpunta malapit sa barangay  
Kung saan  dinala  ang mga bangkay
Nilapitan siya ang  ng kapitan at iniabot ang kamay  
Kanyang  ramdam ang pakikiramay nitong tunay
Ikinalulungkot ko, usal nito -- nasawi ang asawa mo
Nang siya’y tinangay, maaring nahampas ang ulo.
 
 
Tinanggal  ng  ginang ang takip na pahayagan   
Ang  putikang  bangkay, kanyang natunghayan  
Nakangangang  sugat  sa noo ay  tinitigan
Di maiwasang siya’y matakot  at  kilabutan.
Malupit na kamao’y nakaikom pa rin
Para bang handang siya’y  muling buntalin .
 
Tumulo ang luha  ng  babaeng kababalo
Siya lang ang nakakaalam ng kahulugan nito
Pilit na ikinubli ang  paghinga nang malalim
Siya at ang unos , may alam na lihim
Krimen na  di maiwasan , tila ba  hinugasan
Nang malupit at  maunawaing inang  kalikasan .
 
Disyembre  2013
 
 
 
 
 
 
 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: